Naghain si Senador Risa Hontiveros ng panukalang batas na magbibigay sa Pangulo ng kapangyarihang magpatupad ng price cap sa singil sa kuryente sa panahon ng state of emergency o kalamidad upang maprotektahan ang mga konsyumer laban sa biglaang pagtaas ng electricity rates.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2361, na naglalayong amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), maaaring magpatupad ang Pangulo ng mandatory price ceiling sa presyo ng kuryente bilang tugon sa mga panlabas na salik na nagdudulot ng pagtaas ng singil sa panahon ng krisis.
Ayon kay Hontiveros, mahalagang magkaroon ng mekanismo upang mapigilan ang labis na pagtaas ng singil sa kuryente, lalo na sa panahong patuloy na pinapasan ng mga Pilipino ang mataas na gastos sa pagkain, transportasyon, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Bukod sa pagtatakda ng price cap, nakapaloob din sa panukala ang 90-araw na moratorium sa pagputol ng suplay ng kuryente, gayundin ang pagbibigay ng mga deferred payment scheme para sa mga residential consumer at mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) habang umiiral ang state of emergency o kalamidad.










