Photo © web

Nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang progresibong grupo sa resulta ng imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure kaugnay ng umano’y korapsyon sa flood control projects.

Ayon kay Teddy Casiño ng Bagong Alyansang Makabayan, hindi sila kuntento sa naging imbestigasyon ng komisyon, pati na ng Office of the Ombudsman at Senado. Dahil dito, naghain sila ng reklamo laban sa ilang indibidwal na umano’y sangkot sa anomalya.

Kabilang sa inirereklamo sina Adrian Bersamin at Trygve Olaivar. Hinimok din ng grupo ang Ombudsman na magsagawa ng mas masusing aksyon upang mapanagot ang lahat ng may kinalaman sa korapsyon.

Samantala, sinabi ni David San Juan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot na limitado umano ang naging saklaw ng imbestigasyon, at hindi natukoy ang mga pangunahing utak o “big fish” sa likod ng isyu. Gayunman, umaasa pa rin ang mga grupo na kikilos ang Ombudsman upang mapanagot ang mga sangkot.

Advertisement
Advertisement