Nagbabala si Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes na sunod-sunod na kasong may kaugnayan sa mga proyektong flood control ang ihahain ng kanyang tanggapan, na aniya’y magpapainit pa sa kasalukuyang tag-init.
Ayon kay Remulla, marami pang kasong paparating kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects. “Marami, marami ’yan. Marami susunod ’yan. Itong tag-init, iinit,” diin niya, bagamat tumanggi siyang magbigay ng eksaktong timeline kung kailan ihahain ang mga ito.
Nauna nang naghain ang Office of the Ombudsman ng tatlong batch ng kaso mula nang simulan ang imbestigasyon noong Setyembre 2024. Kabilang dito ang mga kasong malversation at graft laban kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at mahigit 15 iba pa kaugnay ng umano’y substandard na P289 milyong road dike project sa Oriental Mindoro.
Isinama rin sa mga naunang kaso ang contractor na si Sarah Discaya at iba pa dahil sa umano’y P96.5 milyong “ghost” flood control project sa Davao Occidental.
Bukod dito, nahaharap din sa kasong malversation at graft si dating senador Ramon Bong Revilla Jr., kasama ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kaugnay ng umano’y P92.8 milyong ghost project sa Pandi, Bulacan.
Sa kabila ng bigat ng mga kasong ito, nanindigan si Remulla na hindi muna siya maglalabas ng detalye hinggil sa mga susunod pang hakbang. “Hindi ko masasabi. Basta itong tag-init, iinit talaga,” aniya.
Si Remulla ay itinalaga bilang Ombudsman noong Oktubre 2025 at kasalukuyang pinangungunahan ang mas pinaigting na kampanya laban sa katiwalian sa mga proyektong pampubliko.













