Inatasan ng House of Representatives si Quezon City 4th District Representative Bong Suntay na humarap sa pagdinig ng House Committee on Ethics and Privileges sa Marso 18 kaugnay ng kontrobersyal niyang pahayag laban sa aktres na si Anne Curtis-Smith.
Pinahintulutan ng plenaryo ng Kamara ang ethics panel na magsagawa ng pagdinig kaugnay sa reklamo laban kay Rep. Suntay, matapos hilingin ni Committee Chairperson JC Abalos na agarang aksyunan ang usapin. Bahagi rin ng mosyon ang pag-obliga kay Suntay na personal na dumalo sa naturang pagdinig at ang agarang pagsusumite ng ulat ng komite matapos ang imbestigasyon.
Ayon kay Abalos, sisiguraduhin ng komite na mabibigyan ng tamang proseso ang mga reklamong inihain laban sa mambabatas.
Noong Marso 10, unang sinimulan ng ethics panel ang pagtalakay sa kaso, kung saan dumalo rin si Suntay. Binigyan siya ng 10 araw upang magsumite ng kanyang sagot sa pormal na reklamo.
Ugat ng kontrobersya ang naging pahayag ni Suntay sa isang pagdinig ng Kamara kung saan sinabi niyang nakaramdam siya ng “pagnanasa” nang makita si Curtis-Smith at inilarawan ang mga bagay na kanyang “naiisip” lamang. Ipinagtanggol niya ang kanyang komento sa konteksto ng depensa sa naunang pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Umani ng matinding batikos ang nasabing pahayag, at kalaunan ay iginiit ni Curtis-Smith na hindi niya tinatanggap ang umano’y paghingi ng paumanhin ng mambabatas. Dagdag pa ng aktres, plano niyang kumonsulta sa abogado at pag-aralan ang mga susunod na hakbang kaugnay ng insidente.












