Inaasahan ng pamahalaan ng Pilipinas na mailalabas ang desisyon ng International Criminal Police Organization (Interpol) hinggil sa kahilingan nitong mag-isyu ng Red Notice laban kay dating presidential spokesman Atty. Harry Roque na nahaharap sa kasong human trafficking kaugnay ng iligal na POGO hub sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, opisyal nang natapos ngayong linggo ang anim na buwang proseso ng asylum application ni Roque sa Netherlands.
Dahil dito, sinabi ni Remulla na posibleng malaman na kung pagbibigyan o hindi ng Interpol ang hiling ng gobyerno ng Pilipinas para sa pagpapalabas ng Red Notice laban kay Roque.
Nauna nang naghain ng kahilingan ang pamahalaan noong Nobyembre ng nakaraang taon upang mailagay sa Red Notice list si Roque, na kasalukuyang wanted dahil sa kinahaharap na kasong human trafficking.
May kaugnayan ang kaso sa operasyon ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Samantala, napaulat na humiling si Roque ng asylum sa Netherlands ngunit kalaunan ay ini-refer umano siya sa Austria alinsunod sa European Union’s Dublin Regulation.
Sa ilalim ng nasabing regulasyon, ang unang bansang pinasukan ng asylum seeker sa European Union ang siyang responsable sa pagproseso ng aplikasyon nito.
Dagdag pa ni Remulla, kung hindi mapagbibigyan ang asylum request ni Roque, maaari siyang paalisin sa naturang bansa dahil wala umano itong travel documents at dahil sa kinahaharap na kasong human trafficking na ipinagbabawal sa iba’t ibang bansa.














