NAGA CITY – Patay ang isang riding-in-tandem matapos na mauwi sa palitan ng putok ang isinasagawang Oplan Sita ng mga otoridad sa Barangay Calero, Jose Panganiban, Camarines Norte.
Kinilala ang mga suspek na sina Paciano Bandolla III, 31-anyos, residente ng Cadlan Pili, Camarines Sur at Reynaldo Robin Badola, JR., 29-anyos, residente ng Brgy. Escopa 1, Project 4, Quezon City.
Ayon kay PMaj. Melvin Atacador, OIC ng Jose Panganiban Municipal Police Station, sinabi nito na patapos na sana sila sa isinasagawa nilang oplan sita sa nasabing lugar nang mapansin ng mga ito na may paparatin na motorsiko ngunit parang nagdadalawang isip umanong magpatuloy ang mga ito.
Aniya, sa pag-aakala ng dyaber ng motor na paalis na ang mga awtoridad, bigla na lamang itong nagpatakbo ng mabilis at nang sinubukan itong patigilin ng mga pulis nagpaputok pa ang mga ito ng baril.
Dahil dito, agad na hinabol ng mga awtoridad ang mga suspek at dito na nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga pulis at mga suspek, dahilan upang magtamo ng tama ng bala ng baril ang mga suspek na naging dahilan upang agad itong bawian ng buhay.
Samantala, narekober naman sa suspek ang isang calibre 45 na baril, sub-machine gun 9MM at mga bala.
Maliban dito, nasamsam pa sa suspek ang 21 plastic sachet nang pinaniniwalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng nasa P576,000.
Sa ngayon, lahat ng mga narekober na mga ebidensya ang nasa kustodiya na ng mga otoridad para sa karampatang disposisyon.