Isang 21-anyos na lalaki ang natagpuang wala nang buhay sa loob ng isang unibersidad sa Naga City nitong Linggo ng umaga matapos umanong mahulog mula sa ikalimang palapag ng Engineering Building.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT. Daisy Angeles, Public Information Officer, Naga City Police Office, sinabi nito na bandang alas-8:00 ng umaga nang madiskubre ng isang construction worker ang biktima na nakahandusay at walang m alay sa campus grounds. Agad na rumesponde ang Police Station 3 kasama ang mga medical personnel, ngunit idineklarang dead on arrival ang lalaki dahil wala na itong pulso.
Kinilala ang biktima ng kaniyang ina bilang isang 21-anyos na residente ng Barangay Francia. Matapos ang isinagawang postmortem examination, naibalik na rin ang labi sa pamilya.
Sa paunang imbestigasyon, nakarekober ang mga awtoridad ng isang notebook na pagmamay-ari umano ng biktima. Nakasaad dito ang ilang sulatin na nagpapahiwatig ng matinding personal na pinagdaraanan at emosyonal na stress.
Batay sa pisikal na ebidensya sa lugar, kabilang ang lokasyon ng biktima kaugnay ng limang palapag na gusali, isa sa mga pangunahing tinitingnang anggulo ng pulisya ay posibleng pagtalon mula sa itaas ng gusali. Gayunman, hindi pa kumpirmado ng mga imbestigador kung estudyante nga ng naturang paaralan ang biktima dahil wala umano itong nakasaad sa unang police report.
Hinihintay pa ng Naga City Police Office ang opisyal na resulta ng forensic examination upang tuluyang matukoy kung may kinalaman ang foul play sa insidente. Kapag nakumpirmang walang senyales ng panlabas na pakikialam, posibleng isara na ang kaso.
Inaasahan ding makikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa administrasyon at faculty ng unibersidad ngayong Lunes upang mas mapalalim pa ang imbestigasyon at malaman ang kaugnayan ng biktima sa campus.
Samantala, nanawagan si Angeles sa publiko, lalo na sa mga magulang, na panatilihin ang bukas na komunikasyon sa kanilang mga anak at mahal sa buhay. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng regular na pangangamusta upang maagapan ang mga problemang may kaugnayan sa mental health at maiwasan ang kahalintulad na trahedya.













