Ipinahayag ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na itinuturing na niyang “tapos na” ang usapin ng umano’y confidential fund misuse, bribery, at unexplained wealth laban kay Vice President Sara Duterte, at sapat na umano ang ebidensya para makabuo ng probable cause sa impeachment case.

Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ni Ridon na malinaw umano ang basehan ng mga alegasyon laban sa Bise Presidente.

“Tapos na ‘yung usapan ng confidential funds misuse, tapos na ‘yung usapan sa unexplained wealth. Tingin ko may probable cause doon sa dalawang bagay na iyon,” ani Ridon.

Ayon sa kanya, mahalagang batayan ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagsasabing may humigit-kumulang P6.7 bilyong “covered” at “suspicious” transactions na konektado kina Duterte at sa kanyang asawa na si Manases Carpio mula 2006 hanggang 2025.

Advertisement

Giit ni Ridon, kahit ituring na inflows at outflows ang mga transaksyon, nananatiling malaki ang diperensya nito kumpara sa idineklarang yaman ng Bise Presidente.

Tinukoy rin niya ang umano’y P40 milyong transaksyon noong 2022 na aniya’y hindi tugma sa deklaradong net worth na nasa P70 milyon lamang.

Dagdag pa niya, kahit ang pinagsamang kita ng mag-asawa bilang mga abogado at opisyal ng gobyerno, pati na ang kanilang income tax records na tinatayang nasa P73 milyon, ay hindi umano sapat na paliwanag sa bilyon-bilyong galaw ng pera sa kanilang mga account.

Samantala, inaasahang pagdedesisyunan sa Abril 29 ang magiging pinal na hakbang ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Advertisement