NAGA CITY – Makakatipid ng nasa P14.8-B ang Pilipinas sakaling tuluyan nang maging batas ang government rightsizing bill.

Ang nasabing panukala kasi ay magbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na i-merge o tuluyan nang alisin ang mga redundant na trabaho sa mga ahensya ng pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kenjie Jimenea, ang dean ng College of Arts and Sciences sa University of Nueva Caceres, sinabi nito na ang layunin ng nasabing panukala ang gawing simple ang bureucrasia ng bansa.

Kung saan, aalisin ang mga doble-dobleng trabaho at ahensya na maaari namang pag-isahin na lamang.

Magkakaroon rin umano ng comittee for rightsizing kung saan ang mangunguna dito ay ang executive secretary at ang tatayo naman bilang vice chairperson ay ang budget secretary.

Ang mga ito naman umano ang bubusisi sa kung alin na mga departamento, ahensya at trabaho ang dapat na alisin at maaaring pag-isahin na lamang upang mabawasan ang mga redundant na trabaho.

Binigyang diin pa ng propesor na magigig malaking tulong ito upang makatipid ang pamahalaan ngunit magkakaroon rin ito ng malaking epekto sa mga empleyado ng mga ahensya na posibleng mabuwag.

Maaalala, marami ang tumututol sa nasabing panukala dahil sa posible umano itong maging dahilan ng mass lay off sa mga ahensya ng pamahalaan.

Ayon naman sa itinakda ng batas, ang mga empleyado na nakapagsilbi na ng nasa lima hanggang labing isang taon ay gagawaran ng separation benefits na kalahati ng kanilang salary, habang ang iba naman ay bibigyan ng early retirement.

Binigyang diin pa ni Jimenea na hindi naman ito agad ipapatupad, dahil magkakaroon naman ito ng tatlong taon na pag-aaral at pagbusisi upang magkaroon ng maayos na desisyon kung alin ba ang dapat na tuluyan nang buwagin na mga ahensya na hindi naman masyadong makakaapekto sa buhay ng mga empleyado.