Posibleng tumestigo si dating Police Colonel Royina Garma sa paglilitis ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga patayan sa ilalim ng “war on drugs.”
Kinumpirma ni dating Senador Antonio Trillanes IV na natanggap niya ang impormasyon hinggil sa posibleng testimonya ni Garma, na bahagi umano ng mga naunang isiniwalat sa ICC kaugnay ng alegasyon ng extrajudicial killings sa Pilipinas.
Bagaman hindi pa tiyak ang detalye ng kanyang magiging pahayag, nauna nang humarap si Garma sa isang komite ng Kamara de Representantes kung saan tinalakay ang umano’y “Davao Model,” na sinasabing sistema ng gantimpala para sa pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.
Ayon kay Trillanes, inaasahan ding tumestigo sa ICC ang iba pang personalidad tulad ng mga dating hitman na sina Edgar Matobato at Arturo Lascañas, na dati nang nagbigay ng pahayag kaugnay ng mga alegasyon ng mga pagpatay.
Patuloy namang hinihintay ang opisyal na kumpirmasyon mula sa ICC hinggil sa mga saksi at saklaw ng kanilang testimonya sa kaso.














