Naglunsad ng pag-atake ang Russia gamit ang tinatawag na hypersonic ballistic missile sa Kyiv region ng Ukraine, na ikinamatay ng apat na katao at itinuturing na isa sa pinakamatinding pambobomba sa kabisera mula nang magsimula ang giyera.

Ayon sa ulat, gumamit ang Russia ng “Oreshnik” hypersonic ballistic missile na inuri ng Estados Unidos bilang isang intermediate-range missile na kayang magdala ng iba’t ibang conventional o nuclear warheads.

Dahil sa bilis at trajectory nito, tinatayang mahirap itong mapigilan ng kasalukuyang air defense systems ng Ukraine.

Ito na ang ikatlong beses na ginamit umano ng Russia ang naturang missile sa gitna ng nagpapatuloy na bakbakan.

Advertisement

Ayon kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy, bumagsak ang missile malapit sa siyudad ng Bila Tserkva sa central Ukraine. Tinawag din niya ang Russia na “wala na sa tamang pag-iisip” at iginiit na hindi nila ito palalampasin.

Samantala, kinondena ng ilang world leaders ang pag-atake, kabilang si European Union foreign affairs chief Kaja Kallas, French President Emmanuel Macron, at German Chancellor Friedrich Merz, na naghayag ng patuloy na suporta para sa Ukraine.

Ayon sa ulat, nangyari ang magdamag na pag-atake sa Kyiv matapos ipag-utos ni Russian President Vladimir Putin ang umano’y pagganti sa isang deadly attack ng Ukraine sa okupadong teritoryo ng Russia.

Patuloy namang umiigting ang tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine sa gitna ng nagpapatuloy na giyera.

Advertisement