Niyanig ng malawakang drone at missile strikes ng Russia ang Ukraine nitong gabi ng Mayo 5, na tumama sa power grid at iba pang imprastraktura at ikinasawi ng hindi bababa sa limang katao habang 39 ang sugatan.

Ayon sa Ukrainian Air Force, gumamit ang Russia ng 11 Iskander-M ballistic missiles at 164 drones sa magkakasunod na pag-atake. Bagama’t na-intercept ang karamihan, may ilang missiles at drones na tumama sa mga target, kabilang ang mga pasilidad sa enerhiya.

Tinamaan din ang mga natural gas facility sa Poltava at Kharkiv regions, ayon sa state energy firm na Naftogaz, na nagsabing paulit-ulit nang naaapektuhan ang kanilang mga pasilidad mula pa sa simula ng taon.

Kinondena ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy ang mga pag-atake at tinawag itong “utter cynicism” ng Moscow, lalo’t naganap ito kasabay ng panahong may usapin ng pansamantalang tigil-putukan.

Advertisement

Ayon sa Russia, magpapatupad ito ng unilateral ceasefire kaugnay ng paggunita sa Victory Day, ngunit nagbabala na gaganti ito sakaling umatake ang Ukraine.

Tugon naman ng Kyiv, handa itong sumunod sa ceasefire kung susunod din ang Russia, ngunit iginiit na gaganti rin sila sa anumang paglabag sa kasunduan.

Sa gitna nito, nagpapatuloy ang palitan ng pag-atake ng dalawang bansa, kabilang ang mga ulat ng long-range strikes ng Ukraine sa loob ng teritoryo ng Russia.

Advertisement