NAGA CITY- Nakatanggap ng papuri ang isang Security Guard mula sa Camarines Norte matapos na ibalik nito ang bag na mayroong lamang pera na umaabot sa mahigit P1-M.

Sa naging mensahe ni Salvador Solomon Mirandilla, Security Guard sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH), sinabi nito na kanyang nakita ang nasabing bag sa loob ng isang bus na mayroong biyaheng Pasay- Daet.

Ayon pa kay Mirandilla, bago nito kunin ang bag, kanyang pinag-aralan muna ang sitwasyon at ng matiyak na pera ang laman ng bag kanya itong kinuha upang ibalik sa nagmamay-ari.

Matapos naman na makauwi sa kanilang bahay, pansamantala umano itong nakatulog dahil sa sobrang pagod pero ng magising ay agad na kinuha ang bag na kanyang nakita sa bus at tiningnan kung sakaling mayroong ID na magtuturo sa pagkakakilanlan ng may-ari ng bag.

Nakakita naman ng ID at contact number si Mirandilla kung kaya agad nitong tinawagan, sumagot naman umano ang kanyang tinawagan at ng matiyak na ito ang tunay na nagmamay-ari ng nasabing bag na mayroong laman na pera ay kaagad na nakipagkita si Mirandilla at isinauli.

Samantala, hindi naman ito ang unang pagkakataon na nakapulot ito ng mga valuable na bagay at sa pagkakataon na ganito lagi umano nitong isinasauli sa totoong may-ari ang napupulot.

Sa ngayon, pina-alalahan nalang ni Mirandilla ang lahat na maging honest upang walang bitbit na alalahanin sa buhay.