Tutol si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa panawagan ng ilang kapwa senador na kusang sumuko sa International Criminal Court o ICC, kasabay ng kanyang paninindigang hindi siya magpapaaresto habang nagpapatuloy ang paggamit niya ng mga legal remedy.
Ayon kay Dela Rosa, wala siyang planong sumuko at hinimok niya ang mga may-akda ng Senate Resolution 395 na huwag magmadali na siya ay maaresto.
Ang naturang resolusyon ay inihain nina Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III, Senador Panfilo Lacson, Senadora Risa Hontiveros, Senador Francis “Kiko” Pangilinan, at Senador Bam Aquino.
Sa hiwalay na panayam, sinabi rin ni Dela Rosa na naniniwala siyang karamihan sa mga Pilipino ay hindi sang-ayon na dalhin siya sa ICC.
Ipinahayag din ng senador ang kanyang pagkadismaya sa panawagan ng ilang mambabatas na siya ay sumuko, at aminado siyang mas nasaktan siya nang makitang kabilang si Lacson sa mga lumagda sa resolusyon.














