Inihayag ni Senador JV Ejercito na posibleng muling magbago ang liderato ng Senado depende sa magiging sitwasyon at suporta ng mga senador kasunod ng naganap na reorganisasyon sa Mataas na Kapulungan.
Ayon kay Ejercito, bukas ang anumang posibilidad pagdating sa pamumuno sa Senado dahil ang liderato ay nakabatay sa tiwala at suporta ng mga miyembro nito.
“Anything is possible. Kahit naman yung kay Senator Sotto, 15 yung majority, 9 yung minority…. Anything is possible. Na as we go along, kung mayroong reason. The leadership serves the pleasure of the senators,” ani Ejercito.
Matatandaang noong Mayo 11 ay naganap ang tinaguriang “coup” ng Duterte bloc sa Senado na nagresulta sa pagpapatalsik kay Senador Tito Sotto III bilang Senate President at pagluklok kay Senador Alan Peter Cayetano.
Sa botong 12-9, nakuha ni Cayetano ang liderato ng Senado habang nag-abstain naman sina Ejercito at Senador Migz Zubiri.
Kasunod ng reorganisasyon, idineklarang bakante ang lahat ng posisyon sa Senado kabilang ang mga committee chairmanships, dahilan upang makansela ang ilang pagdinig ng mga komite.
Sa kanyang talumpati noong Mayo 11, hinikayat ni Cayetano ang mga senador na isantabi ang alitan at magtulungan para sa trabaho ng Senado.
“Ngayon lang naman po tayo may division, e, dahil mabigat ang politika. Pero actually, we worked together,” ani Cayetano.
Dagdag pa niya, “Basta lahat ng gagawin natin, huwag tayong magsisisi. Huwag tayong gagawa ng pagsisihan natin.”













