Photo © web

Kinontra ni Senador Risa Hontiveros ang naging paliwanag ni Senador Robin Padilla kaugnay ng paggamit ng “force majeure” bilang posibleng batayan upang payagan ang remote participation o online attendance ng mga senador sa plenary sessions ng Senado.

Sinabi ni Hontiveros na hindi maituturing na force majeure ang mga sitwasyong binanggit ni Padilla gaya ng tensyon sa Middle East, China-Taiwan conflict, at climate change.

Nauna rito, ipinaliwanag ni Padilla na maaaring maituring na force majeure ang mga pandaigdigang krisis tulad ng digmaan, terorismo, at maging ang posibleng matinding epekto ng El Niño phenomenon sa mga susunod na taon.

Gayunman, iginiit ni Hontiveros na matagal nang umiiral ang mga naturang isyu at hindi ito naging dahilan noon upang magsagawa ng online work ang Senado.

Advertisement

Ayon pa sa senadora, malinaw sa umiiral na Senate Rules na pinapayagan lamang ang videoconferencing sa panahon ng national emergency o force majeure gaya noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Matatandaang naging mainit ang diskusyon sa Senado matapos mag-walk out ang minority bloc noong Mayo 26 bilang pagtutol sa umano’y minamadaling pag-apruba sa panukalang remote participation ng mga senador sa plenaryo.

Advertisement