Sumasailalim na sa medical examination si Senador Rodante Marcoleta bilang bahagi ng booking procedure ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng kasong plunder na kinahaharap niya sa Sandiganbayan.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, posibleng umabot ng hanggang dalawang araw ang isinasagawang medical check-up sa senador dahil sa kanyang edad na 72 at sa dami ng kinakailangang pagsusuri.
Sinabi rin ni Remulla na inaasahang ilalabas ngayong araw ang mugshots ni Marcoleta.
Nilinaw din ng kalihim na bagama’t kusang nagtungo si Marcoleta sa Sandiganbayan, kalaunan ay pormal siyang inaresto matapos ibasura ng korte ang kanyang inihain na motion to quash, na humihiling na ibasura ang kaso o ideklarang walang bisa ang mga isinampang legal na dokumento at proceedings laban sa kanya.
Matapos ma-deny ang kanyang mosyon, agad na isinailalim sa lockdown ang Sandiganbayan, kung saan isinagawa ang pag-aresto sa senador.













