Kinuwestiyon ni Senator-Judge Robin Padilla ang pagtatanong ng prosekusyon hinggil sa pagpunta sa China ng isang naunang testigo ng depensa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Naganap ito nitong Huwebes, Nobyembre 12, sa ika-43 araw ng paglilitis, kung saan nagpahayag si Padilla ng pagdududa kung bakit binibigyang-diin ang naturang biyahe sa pagtalakay sa mga alegasyon laban sa Bise Presidente.
Ibinahagi ni Padilla na dalawang beses na rin siyang nakapunta sa China, kabilang ang isang pagkakataong kasama niya ang dating Pangulong Rodrigo Duterte. Gayunman, inamin niyang hindi na rin niya matandaan ang mga lugar na kanilang pinuntahan.
Aniya, kinailangan pa niyang magtanong sa kaniyang staff upang matukoy kung saan-saan siya nakapunta sa naturang bansa dahil hindi na niya maalala ang mga detalye ng kaniyang biyahe.
Samantala, nilinaw ni House prosecutor Rep. Terry Ridon na hindi ang pagpunta mismo sa China ang kinukuwestiyon ng prosekusyon, kundi ang mga sagot ng testigo na maaaring makaapekto sa kaniyang kredibilidad.
Ipinaliwanag ni Ridon na ilang ulit umanong hindi tuwirang nasagot ng testigo ang mga tanong tungkol sa kaniyang biyahe, kaya kinailangan pang magbigay ng karagdagang detalye ang mga senator-judge bago nito nakumpirma ang ilang impormasyon.
Sa kabilang banda, iginiit ni Padilla na dapat ding isaalang-alang ang posibilidad na may mga detalyeng hindi na talaga matandaan ang isang testigo, lalo na kung matagal na itong nangyari.
Matatandaang tinanong ng prosekusyon at ilang senador ang naunang defense witness na si Davao City Assessor Jaime Adalin tungkol sa kaniyang paglalakbay sa China, partikular ang pagbisita sa Beijing at ang kaniyang pag-uwi mula sa Shanghai.











