Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na sapat ang kanilang emergency rice allocation upang matugunan ang pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan sa gitna ng banta ng matinding El Niño at posibleng pagdedeklara ng state of calamity sa ilang lugar sa bansa.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 100 lokalidad na ang isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding tagtuyot. Pinakamarami rito ang naitala sa Cagayan Valley na may 66 na lugar, habang 23 naman ang nasa rehiyon ng Caraga.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, nananatiling maayos at sapat ang buffer stock ng ahensya na kayang tumugon sa pangangailangan ng buong populasyon ng bansa sa loob ng walong araw. Patuloy rin ang kanilang pagbili ng palay upang mapanatili ang suplay ng bigas.
Batay sa tala ng ahensya, nasa 292,000 metric tons o katumbas ng humigit-kumulang limang milyong sako ng bigas ang nakaimbak sa iba’t ibang bodega sa buong bansa.
Gayunman, kinilala ni Lacson ang mga hamong kinakaharap ng sektor ng agrikultura matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagbaba ng produksyon ng palay, na umabot sa 650,000 metric tons noong ikatlong quarter. Inaasahan din ang panibagong pagbaba sa ikaapat na quarter.
Batay sa mga projection, posibleng umabot sa isang milyong metric tons ang kabuuang kakulangan sa lokal na produksyon, dahilan upang maagang magpatupad ang NFA ng mga hakbang para matiyak ang maayos na pamamahagi ng suplay.
Nakaapekto rin sa procurement volume ng ahensya ang limitadong suplay ng palay at ang naging epekto ng nagdaang panahon sa mga magsasaka.
Sa kabila ng mga hamong ito, tiniyak ng NFA na nananatiling handa ang ahensya at patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang agarang paghahatid ng tulong at suplay ng bigas sa mga lugar na higit na nangangailangan.














