Nanawagan si Senador Robin Padilla sa kaniyang mga kapwa senador na suportahan ang kaniyang inihain na Senate Bill No. 372 na naglalayong amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act. Layunin ng panukala na ibaba mula 15 taong gulang patungong 10 taong gulang ang minimum age of criminal responsibility para sa mga menor de edad na masasangkot sa mga karumal-dumal o heinous na krimen.

Ayon kay Padilla, mahalagang repasuhin ang umiiral na batas upang matiyak na may sapat na pananagutan ang mga kabataang sangkot sa mabibigat na krimen, habang binibigyan pa rin sila ng pagkakataong sumailalim sa rehabilitasyon at iba pang programang makatutulong sa kanilang pagbabago.

Ginawa ng senador ang panawagang ito kasunod ng mga naitatalang krimen sa bansa na kinasasangkutan ng mga menor de edad. Kabilang dito ang kamakailang insidente ng pamamaril sa San Juan National High School sa Tacloban City kung saan tatlo ang nasawi at lima ang sugatan. Ayon sa mga ulat, isang estudyante ang itinuturong suspek sa naturang insidente.

Dahil dito, umaasa si Padilla na mabibigyan ng masusing pagtalakay ang panukala upang matiyak na naaayon ito sa layunin ng pagpapanatili ng kaayusan, kaligtasan, at hustisya, habang isinasaalang-alang din ang kapakanan ng mga kabataan at ng mga biktima ng krimen.

Advertisement
Advertisement