“Dapat na nating gawin ’yan ngayon na” — ito ang pahayag ni Sen. Robin Padilla habang isinusulong niya ang pag-amyenda sa Senate Bill No. 372 upang palakasin ang umiiral na batas para sa mga batang lumalabag sa batas.

Ayon kay Padilla, layunin ng panukala na bigyang-diin na may kaakibat na pananagutan ang bawat kilos ng kabataan, habang tinitiyak pa rin ang tamang pagtrato at proteksiyon sa mga menor de edad na nasasangkot sa paglabag sa batas.

Sinabi ng senador na mahalagang matugunan ang maling pananaw na maaaring maging katanggap-tanggap ang paggawa ng mga ipinagbabawal na gawain dahil lamang sa murang edad ng isang indibidwal.

Inihain ang panukala kasabay ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng Children in Conflict with the Law (CICL), na nagiging hamon sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa proteksiyon, rehabilitasyon, at pananagutan ng mga kabataan.

Advertisement

Ayon sa mambabatas, kinakailangan ang mas malinaw at mas epektibong mekanismo upang matugunan ang mga ganitong kaso at mapanatili ang balanse sa pagitan ng kapakanan ng bata at ng pananagutan sa kanilang mga nagawang paglabag.

Patuloy naman ang pagtalakay sa panukalang amyenda upang matukoy ang mga probisyon na maaaring baguhin o palakasin sa umiiral na batas.

Advertisement