Ipinahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na kikilos agad ang Senado sa sandaling matanggap nito ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte mula sa Kamara de Representantes.

Ayon kay Sotto, ang terminong “forthwith” ay nangangahulugang magsisimula ang aksyon ng Senado sa susunod na araw matapos matanggap ang impeachment articles. Dahil dito, nagpatawag na siya ng pulong sa mga senador upang paghandaan ang posibilidad na magtipon bilang impeachment court.

Nauna nang inaprubahan ng House Justice Committee ang pagkakaroon ng sapat na basehan para sa mga reklamong impeachment laban sa bise presidente. Ang usapin ay isusunod na tatalakayin sa plenaryo ng Kamara, kung saan pagbobotohan ng mga mambabatas kung aaprubahan ang naturang rekomendasyon.

Kapag nakakuha ng sapat na boto, magiging pormal na Articles of Impeachment ang reklamo at ipapasa ito sa Senado. Sa puntong iyon, ang mga senador ang gaganap bilang mga hukom upang tukuyin kung may sapat na ebidensiya para patalsikin sa puwesto si Duterte.

Advertisement

Samantala, nilinaw ng Korte Suprema na ang salitang “forthwith” sa Konstitusyon ay maaaring mangahulugang “within a reasonable time” at hindi kinakailangang agarang-agad. Layunin umano nito na bigyan ang Senado ng sapat na panahon upang makapaghanda bilang impeachment court habang iniiwasan ang hindi makatarungang pagkaantala.

Iginiit naman ni Sotto na hiwalay ang interpretasyon ng Korte Suprema sa aktwal na proseso ng Senado, bilang isang kapantay na sangay ng pamahalaan.

Advertisement