NAGA CITY – Patay ang isang senior citizen matapos na pagtatagain ng kapwa magsasaka sa San Francisco, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Antonio Abing Mamac, 72-anyos, residente ng Brgy. Butanguiad, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na kukunin na sana ng biktima ang alaga nitong kalabaw upang iuwi na sa kanilang bahay nang dumating ang suspek na kilalang si Ariel Navarro Pacatan Sr., 42-anyos, residente ng Sitio Maulo-Ulo sa nasabing barangay na may dalang bolo at bigla na lamang pinagtataga ang biktima.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Samantala, napag-alaman na matagal ng mayroong hindi pagkakaunawaan ang biktima at si Pacatan.

Kaugnay nito, napag-alaman rin na nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang suspek ng mangyari ang nasabing insidente.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek matapos na boluntaryong sumuko sa mga awtoridad.