Naghahanda na ang Solid Waste Management Office ng Lungsod ng Naga para sa paparating na Semana Santa, dahil inaasahan ang pagdagsa ng nasa mahigit 2,000 populasyon na mula sa iba’t ibang lugar na magdudulot ng karagdagang basura.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Engr. Joel Martin, Head ng Solid Waste Management Office, sinabi niyang nagsagawa na sila ng mga pagpupulong at inayos ang iskedyul ng kanilang mga personnel upang matiyak ang maayos na operasyon.

Nakahanda na rin ang mga dump truck o garbage truck para sa paghakot ng basura, at may mga street sweeper na ide-deploy upang mapanatiling malinis ang lungsod. Bukod dito, patuloy din nilang inaasikaso ang mga reklamo hinggil sa hindi nahahakot na basura, maging sa pamamagitan ng personal na paglapit ng mga residente o sa paggamit ng MyNagaApp, kung saan may nakatalagang monitoring team.

Binigyang-diin ni Engr. Martin na nakahanda na ang kanilang opisina para sa mas malawak na operasyon ngayong Semana Santa.

Advertisement
Advertisement