Mariing itinanggi ni Senate President Vicente Sotto III ang pahayag ni dating presidential legal counsel Salvador Panelo na may ilang senador na umano’y nakapagpasya na laban sa inaasahang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, iginiit na mananatiling patas at walang kinikilingan ang Senado.
Ayon kay Senate President Sotto, hihintayin ng Senado ang mga ebidensyang ihaharap sa impeachment proceedings bago magpasya ang sinuman sa magiging boto. Binigyang-diin niyang tungkulin ng bawat senador na maging objektibo bilang bahagi ng impeachment court.
Nauna nang sinabi ni Panelo na sina Senate President Sotto, Senador Panfilo Lacson, Senadora Risa Hontiveros, at Senador Francis Pangilinan ay umano’y nakapagdesisyon na kaugnay ng kaso laban sa Bise Presidente.
Samantala, naghahanda na ang Senado sa posibleng pagtanggap ng Articles of Impeachment mula sa Kamara de Representantes. Sinabi ni Senate President Sotto na nagkaroon sila ng informal dinner meeting kasama ang ilang miyembro ng majority bloc upang talakayin ang inaasahang legal at political proceedings, ngunit nilinaw niyang hindi ito isang opisyal na caucus.
Dagdag pa niya, kasalukuyan niyang nire-review ang mga legal na proseso bilang paghahanda sa kanyang papel bilang presiding officer ng impeachment court.
Nahaharap si Vice President Sara Duterte sa mga reklamong betrayal of public trust at umano’y maling paggamit ng confidential funds. Kaugnay nito, iniutos ng Commission on Audit sa Office of the Vice President na isauli ang tinatayang P448.2 milyong pondo na kinuwestyon dahil sa umano’y irregularidad, kabilang ang mga cash advance at gastusin noong 2023. Mayroon ding karagdagang P300 milyon na nauna nang idineklarang disallowed with finality.














