Tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nananatiling matatag ang suplay ng bigas sa Pilipinas sa kabila ng pagtaas ng presyo ng langis at gastusin sa agrikultura bunsod ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay Tiu Laurel, ang tinatayang 20% pagbaba sa produksyon ng palay ay isang “worst-case scenario” lamang at hindi inaasahang mangyari dahil sa mga hakbang na ipinatutupad ng pamahalaan upang mapanatili ang produksyon.

Sinabi rin ng kalihim na nakikinabang ang bansa sa sapat na suplay ng bigas sa pandaigdigang merkado, partikular mula sa mga pangunahing exporters tulad ng India at Vietnam na kasalukuyang nasa peak harvest season.

Dagdag pa niya, halos puno ang mga imbakan ng National Food Authority (NFA), na nagsisilbing buffer stock upang matiyak ang sapat na suplay sa loob ng bansa.

Advertisement

Upang higit pang suportahan ang sektor ng agrikultura, naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng P10 bilyong assistance package para sa mga magsasaka at mangingisda, kabilang ang fuel subsidies at iba pang targeted interventions na nakatuon sa produksyon ng bigas.

Handa rin umano ang pamahalaan na magdagdag ng hanggang P20 bilyon para sa farm inputs at karagdagang P10 bilyon para sa tulong sa fisherfolk upang mapanatili ang kanilang kabuhayan sa gitna ng tumataas na gastos.

Isinusulong din ng DA ang paggamit ng mga alternatibong solusyon tulad ng biofertilizers upang mabawasan ang pagdepende sa mamahaling agricultural inputs at mapanatili ang produktibidad sa sektor.

Advertisement