Nakapagpiyansa ng halagang P60,000 ang suspek sa pagkagadan kay Teacher Jao Mancera matapos itong arestuhin ng mga operatiba ng Police Station 3 sa San Roque, Camaligan, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT Jonathan M. Hapa, Officer-in-Charge ng Naga City Police Station 3, sinabi nito na matagumpay na naipatupad ng kanilang himpilan ang warrant of arrest laban sa suspek. Matapos ang pagproseso ng mga kinakailangang dokumento, pansamantala itong inilagay sa kustodiya ng Police Station 1 dahil walang standard custodial facility para sa mga babaeng detenido ang kanilang himpilan.
Kinumpirma rin ni Hapa na nakapagpiyansa ang suspek ng P60,000 alinsunod sa kautusan ng korte na naglabas ng warrant of arrest, dahilan upang pansamantala itong makalaya.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi nangangahulugan ang pagpapalaya sa suspek na natapos na ang kaso. Inaasahan pa itong haharap sa arraignment sa korte upang pormal na basahan ng sakdal, kasunod ang pagdinig at paglilitis.
Samantala, iginiit ni Hapa na nagampanan ng Police Station 3 ang kanilang tungkulin sa pagpapatupad ng batas at matagumpay na pag-aresto sa akusado. Nasa korte na aniya ang susunod na proseso upang matiyak na maipagpapatuloy ang paglilitis sa kaso.
Wala pa rin umanong natatanggap na komento o interbensiyon mula sa National Police Commission (NAPOLCOM) kaugnay ng naturang pag-aresto.
Sa kabila ng mga batikos at panawagan ng publiko para sa hustisya ni Teacher Jao Mancera, tiniyak ng pulisya na patuloy nilang gagampanan ang kanilang tungkulin habang iginagalang ang karapatan ng lahat ng panig.
Binigyan-diin naman ni Hapa na ang pagpiyansa ay pansamantalang pagpapalaya habang dinidinig ang kaso at hindi nangangahulugan ng pagpapawalang-sala sa akusado.








