Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pansamantalang pagtaas ng pasahe sa mga provincial public utility bus, na ipinatupad simula Marso 14, 2026.
Naglabas ang LTFRB ng updated Fare Guide kasunod ng provisional order noong Marso 13 upang matiyak ang pare-parehong pagpapatupad ng bagong singil sa lahat ng provincial bus operators at ruta sa bansa.
Sa ilalim ng bagong fare guide, may dagdag na ₱0.35 kada kilometro sa air-conditioned, super deluxe at deluxe buses, habang ₱0.45 kada kilometro naman ang itinaas sa luxury buses.
Para sa mga ordinary provincial buses, may ₱1.00 dagdag sa base fare at ₱0.30 kada susunod na kilometro ang ipapatupad.
Pinayuhan ng LTFRB ang mga operator na sundin ang bagong fare guide at tiyaking nakapaskil ang updated na pasahe sa loob ng kanilang mga bus upang malinaw itong makita ng mga pasahero.
Hinimok din ang mga commuter na i-check ang tamang singil batay sa opisyal na fare guide at agad i-report sa LTFRB ang anumang kaso ng overcharging o paglabag.
Ayon sa ahensya, layunin ng fare adjustment na balansehin ang kapakanan ng mga pasahero at transport operators sa gitna ng pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, kasabay ng tumitinding tensyon sa Middle East.














