Nagpahayag ng pangamba ang mga mambabatas sa planong pagpapatupad ng Department of Education (DepEd) ng three-term school calendar simula School Year 2026–2027, dahil sa posibleng kakulangan sa oras ng pagtuturo at kawalan ng sapat na buffer days.
Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture na pinamumunuan ni Rep. Roman Romulo, kinuwestiyon ng mga mambabatas kung paano matutugunan ng bagong sistema ang mga pagkaantala tulad ng suspensyon ng klase dulot ng pabago-bagong panahon.
Binigyang-diin ni Romulo na maaaring hindi makumpleto ng mga estudyante ang mga aralin kung magiging masikip ang iskedyul at kulang ang allowance para sa mga kanseladong klase.
Ayon naman kay DepEd Assistant Secretary Janir TY Datukan, ginagabayan ang mga guro ng “budget of work” upang matukoy kung aling competencies ang dapat unahin depende sa oras, ngunit inamin niyang kailangan pang linawin ang ilang detalye ng implementasyon.
Napansin din ng mga mambabatas ang hindi pagkakatugma sa bilang ng instructional days sa panukalang kalendaryo, na lumalabas na nasa 172 araw lamang—mas mababa sa karaniwang 180 araw na requirement.
Bukod dito, kinuwestiyon din ang saklaw ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) program, kung saan tila nakatuon lamang sa mga mag-aaral sa mababang baitang.
Iminungkahi ni Romulo na palawakin ang remediation efforts sa lahat ng antas at magpatupad ng mas mahabang recovery program upang matugunan ang learning gaps.
Inusisa rin ang batayan ng ilang bahagi ng disenyo ng programa, kabilang ang limang araw na remediation period, na ayon sa DepEd ay nakabatay lamang sa praktikal na konsiderasyon at hindi sa partikular na pag-aaral.
Ipinagtanggol naman ng DepEd ang reporma, na anila’y bahagi ng mas malawak na hakbang upang mapabuti ang pacing ng pagkatuto, mabawasan ang disruptions, at mapahaba ang tuloy-tuloy na oras ng pagtuturo.
Gayunman, iginiit ng mga mambabatas ang pangangailangan ng mas malinaw na polisiya, sapat na datos, at konkretong contingency measures bago tuluyang ipatupad ang bagong school calendar.














