Suportado ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mas pinaigting na programa ng pamahalaan para tulungan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng krisis sa Gitnang Silangan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

Sa ilalim ng “Bayanihan Para sa Balikbayang Manggagawa” na ginanap sa Leyte National High School Gymnasium noong Abril 15, 2026, direktang nakinabang ang mga repatriated OFWs sa job fairs, livelihood support, at social protection services.

Ayon sa DOLE Regional Office VIII, 664 lokal na trabaho ang inaalok, habang ang Department of Migrant Workers (DMW) ay nagbigay ng access sa 1,904 overseas job orders.

Sa naturang event, 76 aplikante ang nagparehistro at lima, kabilang ang dalawang OFWs, ang agad na na-hire. Labindalawang OFWs naman ang sumasailalim sa evaluation para sa “Kabuhayan Program” upang makatanggap ng puhunan para sa negosyo.

Advertisement

Sa hiwalay na aktibidad noong Abril 6 sa Quezon City Hall, higit 500 OFWs ang nakinabang sa reintegration services tulad ng financial assistance, psychosocial support, skills training, at job opportunities.

Ayon sa ulat, umabot sa 8,000 ang kabuuang job opportunities—lokal at overseas—na naipagkaloob sa tulong ng recruitment agencies at local companies.

Sinabi ng DOLE na ang mga programang ito, kabilang ang paggamit ng PhilJobNet sa eGovPH app, ay bahagi ng koordinadong hakbang ng gobyerno upang matulungan ang mga OFW mula sa agarang tulong hanggang sa pangmatagalang reintegration at katatagang pangkabuhayan.

Advertisement