NAGA CITY- Naaagnas na ng matagpuan ang katawan ng isa sa mga nawawalang tripulante ng lumubog na fishing vessel sa Jomalig, Quezon noong nakaraang linggo.

Kinilala ang biktima na si Roger Umeres, 65-anyos, residente ng Calauag, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na natagpuan ang nasabing biktima sa baybayin sa Barangay Balesin, Polillo Quezon.

Kaugnay nito, kinumpirma naman ito mismo ng kapitan ng barko na isa si Umeres sa mga nawawalang tripulante.

Sa ngayon, isasailalim pa ang bangkay ng biktima sa post mortem examination habang patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.