Sinabi ni US President Donald Trump na hindi umano nais ni King Charles III na magkaroon ng nuclear weapon ang Iran, sa gitna ng state dinner sa White House.

Ginawa ni Trump ang pahayag sa ikalawang araw ng state visit ng British monarch sa United States, kung saan tinalakay din niya ang sitwasyon sa Gitnang Silangan.

Ayon sa Pangulo, “we’re never going to let that opponent have a nuclear weapon,” at idinagdag niyang sumasang-ayon umano si King Charles sa kanyang posisyon laban sa nuclear capability ng Iran.

Gayunman, sa sariling talumpati ng Hari matapos ang pahayag ni Trump, hindi nito direktang tinalakay ang isyu ng Iran o ang umiiral na tensyon sa rehiyon.

Advertisement

Ayon sa Buckingham Palace, wala pang agarang komento hinggil sa naturang pahayag, habang ang British Embassy sa Washington ay tumangging magbigay ng detalye at itinuro ang mga katanungan sa Palasyo.

Nauna nang binigyang-diin ni King Charles sa kanyang talumpati sa United States Congress ang kahalagahan ng ugnayan ng U.S. at United Kingdom, pati na ang patuloy na suporta sa Ukraine at ang panganib ng isolationism, ngunit hindi binanggit ang Iran.

Matatandaang matagal nang paninindigan ng U.S. at U.K. na hindi dapat makabuo ng nuclear weapons ang Iran, bagama’t iginiit ng Tehran na ang kanilang nuclear program ay para sa mapayapang layunin alinsunod sa Nuclear Non-Proliferation Treaty.

Advertisement