Nagbabala ang state weather bureau na patuloy na nakaaapekto sa Batanes at Babuyan Islands ang trough ng Typhoon Dolphin, na maaaring magdulot ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan. Dahil dito, may posibilidad ng flash floods at landslides sa mga apektadong lugar.
Samantala, patuloy namang umiiral ang Southwest Monsoon o Habagat, na nagdadala ng mga pag-ulan sa Occidental Mindoro, Zambales, Bataan, Metro Manila, Ilocos Region, Abra, Benguet, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, at Antique.
Apektado rin ng mga pag-ulan ang Zamboanga Peninsula, iba pang bahagi ng Luzon at Visayas, gayundin ang Misamis Occidental, Lanao del Norte, at Lanao del Sur.
Bagama’t nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR), nananatili pa ring may epekto sa hilagang bahagi ng bansa ang Typhoon Dolphin (2613). Huling namataan ang bagyo sa layong 810 kilometro hilagang-silangan ng extreme Northern Luzon, taglay ang maximum sustained winds na 155 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugsong umaabot sa 190 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo patungong timog-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng masamang panahon na manatiling alerto at maghanda sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa. Mahalaga ring patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso mula sa state weather bureau at lokal na pamahalaan para sa mga susunod na update.








