Nag-iwan ng bukas na posibilidad para sa pagpapatuloy ng negosasyon ang United States at Iran matapos ang pinakamataas na antas ng kanilang pag-uusap sa loob ng ilang dekada na isinagawa sa Islamabad, na nauwi sa deadlock ngunit kinikilalang malapit na sa kasunduan sa ilang isyu.

Ayon sa ulat umabot sa mahigit 20 oras ang usapan sa Serena Hotel sa Islamabad, na isinagawa ilang araw matapos ang ceasefire announcement noong nakaraang Martes.

Ito ang kauna-unahang direktang pag-uusap ng mga opisyal ng U.S. at Iran sa loob ng mahigit isang dekada, at itinuturing na pinaka-senior engagement mula pa noong 1979 Islamic Revolution.

Ayon sa mga source, muntik nang magkasundo ang dalawang panig ngunit nauwi sa deadlock dahil sa mga isyu sa nuclear program ng Iran, Strait of Hormuz, sanctions, at frozen Iranian assets.

Advertisement

Sinabi ng isang Pakistani government source na may “strong hope” sa kalagitnaan ng usapan na magkakaroon ng breakthrough, ngunit bigla umanong nagbago ang takbo ng negosasyon.

Isa pang source ang nagsabing “very close” na ang kasunduan at “80% there” bago ito sumabit sa mga hindi pa nareresolbang isyu.

Kabilang sa mga opisyal na lumahok sina JD Vance at Iranian Parliamentary Speaker Mohammad Baqer Qalibaf, habang namagitan ang mga Pakistani mediators sa buong proseso.

Iginiit ng White House na nananatiling matatag ang posisyon ng U.S. na hindi dapat magkaroon ng nuclear weapon ang Iran.

Ayon kay White House spokeswoman Olivia Wales, nananatili ang “red line” ng Amerika sa usapin ng nuclear capability, ngunit nagpapatuloy ang engagement para sa posibleng kasunduan.

Samantala, sinabi ng mga Iranian sources na mababa pa rin ang tiwala ng Tehran at nais nila ng mas malawak na garantiya, kabilang ang sanctions relief, permanent ceasefire, at pagkilala sa karapatan nitong magpayaman ng uranium.

Sinabi ni Shehbaz Sharif na nagpapatuloy ang pagsisikap ng Pakistan na mapadali ang resolusyon ng mga isyu.

Sa kabila ng kawalan ng final agreement, kapwa kumpirmado ng mga source mula sa U.S. at rehiyon na patuloy ang komunikasyon matapos ang talks sa Islamabad, habang sinabi ni Vance na may inihain silang “final and best offer” at naghihintay ng tugon mula sa Iran.

Advertisement