Iginiit ng IBON Foundation na hindi sapat na sukatan ng tunay na kalagayan ng mga Pilipino ang pagkakaklasipika ng World Bank sa Pilipinas bilang isang “upper middle-income country.”
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Sonny Africa – Director, Ibon Foundation, bagama’t itinuturing itong mahalagang tagumpay ng pamahalaan, hindi ito nararamdaman ng maraming mamamayan na patuloy na nahaharap sa mataas na presyo ng mga bilihin at mababang kita.
Ayon kay Africa, karamihan sa mga pamilyang Pilipino ay kumikita ng mas mababa sa ₱20,000 kada buwan, malayo sa tinatayang ₱65,000 na buwanang kita na anila’y mas angkop upang maituring na kabilang sa middle class. Binigyang-diin din ng grupo na hindi pa rin sapat ang kamakailang umento sa minimum na sahod sa National Capital Region upang matugunan ang tunay na gastusin ng isang pamilya.
Ipinaliwanag din ni Africa na ang bagong klasipikasyon ng World Bank ay maaaring magresulta sa mas mahal na pangungutang ng bansa dahil mababawasan ang access nito sa mga pautang na may mababang interes at mas magagandang termino. Sa kasalukuyan, tinatayang nasa ₱18.5 trilyon na ang kabuuang utang ng bansa.
Nanawagan ang grupo sa pamahalaan na higit na pagtuunan ng pansin ang pagpapataas ng sahod, pagpapabuti ng serbisyong publiko, at pagpapatupad ng mga programang makatutulong sa pagpapagaan ng buhay ng mga Pilipino. Ayon sa IBON, mahalagang nakabatay sa aktuwal na kalagayan ng mamamayan ang pagsusukat sa pag-unlad ng ekonomiya, at hindi lamang sa mga Statistics ginagamit ng mga internasyonal na institusyon.











