Inaprubahan ng World Bank ang $1 bilyong pautang upang suportahan ang reporma sa sektor ng agrikultura sa Pilipinas, na inaasahang makikinabang ang milyun-milyong magsasaka.
Ayon sa World Bank, gagamitin ang pondo para sa Philippines Sustainable Agricultural Transformation (PSAT) program na layong mapabuti ang produksyon, mapalakas ang food security, at makalikha ng trabaho para sa hindi bababa sa limang milyong magsasaka.
Sinabi ni Zafer Mustafaoğlu na ang proyekto ay isang mahalagang hakbang upang gawing mas produktibo, kompetitibo, at climate-resilient ang agrikultura sa bansa. Dagdag niya, makatutulong ito upang mapataas ang kita ng mga magsasaka at matiyak ang sapat at abot-kayang pagkain.
Kabilang sa mga hakbang ng programa ang climate-smart farming, pagpapalawak ng market access at exports, at paggamit ng digital voucher system. Tutulungan din nito ang Department of Agriculture sa pagpapabuti ng budgeting, data systems, at procurement upang mapabilis ang modernisasyon ng sektor.










