
Itinuturing nang “terminated” ang giyera sa pagitan ng Amerika at Iran bago pa man ang itinakdang deadline ngayong Biyernes para sa pag-apruba ng United States Congress, ayon sa isang senior official ng Trump administration.
Ayon sa naturang opisyal na tumangging magpabanggit ng pangalan, ang labanan na sumiklab noong Pebrero 28 ay itinuturing nang tapos dahil sa umiiral na ceasefire sa pagitan ng United States at Iran.
Sa ilalim ng War Powers Resolution, kinakailangang humingi ng pahintulot mula sa US Congress si US President Donald Trump upang ipagpatuloy ang military operations lampas sa 60 araw, o kaya ay tuluyang tapusin ang operasyon, maliban kung palalawigin pa ito ng hanggang 30 araw.
Sinabi ng opisyal na natigil na ang palitan ng pag-atake mula nang magkabisa ang ceasefire noong Abril 7, na kalaunan ay pinalawig pa ng magkabilang panig.
Nauna nang ipinaalam ng White House sa US Congress noong Marso 2 ang tungkol sa military campaign laban sa Iran, na umabot na sa 60-araw na palugit ngayong Biyernes para sa desisyon kung ito ay wawakasan o pahahabain sa pamamagitan ng congressional authorization.













