Nahaharap si US President Donald Trump sa deadline ngayong Biyernes upang tapusin ang digmaan sa Iran o humingi ng pahintulot sa Kongreso para palawigin ito, ngunit inaasahang lilipas ang takdang oras nang walang malinaw na pagbabago sa takbo ng sigalot.
Ayon sa mga analyst at congressional aides, malamang na ipaalam ni Trump sa Kongreso na magpapalawig siya ng 30 araw o balewalain ang deadline, habang iginiit ng kanyang administrasyon na ang umiiral na ceasefire sa Tehran ay maituturing nang pagtatapos ng labanan.
Sa ilalim ng War Powers Resolution ng 1973, maaaring magsagawa ang presidente ng military action sa loob lamang ng 60 araw maliban kung hihingi ng pahintulot sa Kongreso o extension dahil sa “unavoidable military necessity.” Ang orihinal na countdown ay nagsimula noong Pebrero 28 nang magsimula ang airstrikes ng US at Israel sa Iran.
Nagkakahati rin ang Kongreso sa isyu, kung saan ang mga Democrats ay nananawagan na igiit ang kapangyarihan ng Kongreso sa pagdedeklara ng digmaan, habang ang mga Republicans ay karamihang sumusuporta sa hakbang ng administrasyon.
Ilang resolusyon na ang hinarang ng mga Republican lawmakers upang pilitin ang withdrawal ng US forces o humingi ng congressional authorization, kabilang ang panibagong hakbang na na-block sa Senado bago ang deadline.
Samantala, may ilang ulat na nagsasabing maaaring gamitin ng administrasyon ang argumento na hindi pa tapos ang 60-day clock dahil sa ceasefire na idineklara noong Abril 7, bagay na pinagtatalunan ng mga Democrats.
Habang patuloy ang tensyon, nagbabala ang Iran ng “long and painful strikes” sakaling ipagpatuloy ng US ang pag-atake, habang apektado rin ang pandaigdigang merkado ng langis at shipping routes tulad ng Strait of Hormuz.
Sa gitna ng krisis, nananatiling hati ang opinyon sa US Kongreso, habang ilang Republican lawmakers ang nagsasabing maaari nilang balikan ang isyu matapos ang deadline kung walang congressional approval para sa patuloy na operasyon.












