Naglunsad ang militar ng Estados Unidos ng panibagong mga pag-atake sa katimugang bahagi ng Iran na tumarget sa mga missile site at mga bangkang umano’y nagtatangkang maglatag ng mga mina sa dagat.

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng US Central Command (CENTCOM) na isinagawa ang mga pag-atake bilang bahagi ng depensa sa sarili at upang protektahan ang kanilang mga sundalo laban sa mga banta mula sa pwersa ng Iran.

Ayon kay Capt. Tim Hawkins, tagapagsalita ng CENTCOM, patuloy na dedepensahan ng militar ng Estados Unidos ang kanilang mga tauhan habang pinananatili ang kahinahunan sa gitna ng umiiral na ceasefire.

Binigyang-diin ng opisyal na tinarget ng mga strike ang mga lokasyon malapit sa Bandar Abbas, isang port city sa timog ng Iran kung saan matatagpuan ang malaking naval base sa Strait of Hormuz.

Advertisement

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na tugon ang pamahalaan ng Iran kaugnay ng insidente.

Hindi pa rin malinaw kung ano ang magiging epekto ng mga panibagong pag-atake sa kasalukuyang peace agreement sa pagitan ng dalawang bansa.

Nitong nakaraang weekend, ipinahiwatig ni US President Donald Trump na malapit nang maabot ang isang kasunduan, ngunit kalaunan ay sinabi niyang inatasan niya ang mga negotiator na huwag madaliin ang proseso ng negosasyon.

Advertisement