Iniulat ng United States military na winasak nito ang anim na maliliit na bangka ng Iran at na-intercept ang mga cruise missiles at drones na pinakawalan ng Tehran, kasabay ng operasyon ng Washington upang buksan ang daloy ng shipping sa Strait of Hormuz.
Ayon kay U.S. Admiral Brad Cooper ng Central Command, patuloy ang operasyon ng Iran’s Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) na umano’y nagtatangkang harangin ang misyon ng Estados Unidos na tiyakin ang ligtas na pagdaan ng mga commercial vessel sa kritikal na rutang pandagat.
Sinabi ni Cooper na “clinically applied defensive munitions” ang ginamit ng US forces upang mapigilan ang mga cruise missiles, drones, at small boat attacks laban sa mga barkong kanilang pinoprotektahan.
Ayon pa sa kanya, nasa 15,000 U.S. troops ang kasali sa operasyon, kasama ang naval destroyers, higit 100 aircraft, at undersea assets.
Nagbigay rin siya ng babala sa Iran na manatili sa malayo mula sa U.S. military assets habang nagpapatuloy ang operasyon.
Ipinaliwanag din ni Cooper na hindi ito tradisyunal na escort mission kundi isang mas malawak na multi-layered defense system na binubuo ng ships, helicopters, aircraft, at electronic warfare capabilities.
Kasabay nito, nananatili umano ang US blockade laban sa Iran, na pumipigil sa paggalaw ng mga barko papasok at palabas ng Iranian territory.
Wala pang pinal na kumpirmasyon kung epektibo pa ang umiiral na ceasefire na nagsimula noong Abril 8, habang patuloy ang tensyon sa Strait of Hormuz.














