Nagbabala ang Estados Unidos sa Oman laban sa anumang hakbang na magpapataw ng toll o bayarin sa pagdaan sa Strait of Hormuz, at sinabing papatawan nito ng parusa ang sinumang magiging katuwang sa naturang plano.

Sa isang post, sinabi ni U.S. Treasury Secretary Scott Bessent na agresibong tutugisin ng kanilang ahensya ang mga indibidwal o grupong direktang o hindi direktang sangkot sa pagpapatupad ng toll sa naturang Strait.

Ayon kay Bessent, papatawan din ng parusa ng Estados Unidos ang sinumang makikipagtulungan sa naturang plano.

Samantala, sinabi naman ni U.S. President Donald Trump na walang iisang bansa ang dapat magkaroon ng kontrol sa Strait of Hormuz na itinuturing na isa sa pinakamahalagang daanan ng langis sa buong mundo.

Advertisement

“It’s international waters, and Oman will behave just like everybody else,” pahayag ni Trump noong Miyerkules.

Sa kabila nito, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Oman hinggil sa anumang plano ng joint control sa Strait of Hormuz kasama ang Iran.

Gayunman, kinumpirma ng Oman na nakipag-usap ito sa Iran kaugnay ng kalayaan sa paglalayag sa naturang karagatan.

Nagpahayag naman ng pakikiisa ang Iran sa Oman matapos nitong batikusin ang umano’y banta mula sa mga opisyal ng Estados Unidos.

Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan ng langis dahil malaking bahagi ng suplay ng langis sa buong mundo ang dumaraan dito.

Advertisement