Photo© web

Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa pamahalaan na magpasa ng ₱52.8 bilyong emergency supplemental budget upang maibsan ang epekto ng umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan sa ekonomiya ng Pilipinas.

Ayon kay Hontiveros, kailangang paghandaan ng gobyerno ang posibleng matinding epekto ng krisis sa suplay ng langis sa buong mundo, lalo na kung magpapatuloy ang digmaan sa rehiyon.

Sinabi ng senador na nagsisimula nang maramdaman ng mga motorista sa bansa ang pagtaas ng presyo ng diesel at iba pang produktong petrolyo.

Sa kanyang panukala, maglalaan ng ₱12 bilyon para sa transport subsidies, ₱2.9 bilyon para sa agricultural subsidies, at hindi bababa sa ₱38 bilyon para sa repatriation at reintegration ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Advertisement

Ipinaliwanag ni Hontiveros na kung tataas ng higit ₱10 kada litro ang presyo ng langis sa loob ng tatlong buwan, maaaring umabot sa ₱12 bilyon ang kinakailangang pondo para sa fuel subsidy sa sektor ng transportasyon.

Gayunman, ayon sa Department of Energy (DOE), wala umanong bagong pondo para sa fuel subsidy sa 2026 national budget at tanging humigit-kumulang ₱2.5 bilyon lamang na natitirang pondo mula 2025 ang maaaring gamitin.

Binigyang-diin din niya na kulang din ang suporta para sa sektor ng agrikultura. Ayon sa kanyang pagtataya, maaaring umabot sa ₱2.8 bilyon ang dagdag na gastos ng sektor kung mananatiling mataas ang presyo ng pataba, samantalang ₱150 milyon lamang ang kasalukuyang available na subsidy fund.

Dagdag pa ng senador, nangangailangan din ng mas malaking pondo ang Department of Migrant Workers dahil ang kasalukuyang ₱1.76 bilyong emergency fund nito ay sapat lamang para sa limitadong repatriation operations ng mga OFW.

Kung lalala pa ang sitwasyon sa Gitnang Silangan, sinabi ni Hontiveros na kakailanganin ang malawakang evacuation at mga programang pangkabuhayan para sa mga OFW na babalik sa bansa.

Iminungkahi rin ng senador ang ilang posibleng mapagkukunan ng pondo, kabilang ang tinatayang ₱70 bilyon mula sa mga discontinued flood control projects noong 2025 at ang ₱2.5 bilyong pondo ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization na maaaring ilaan bilang agricultural subsidy.

Advertisement