NAGA CITY – Patay ang isang babae matapos malunod sa isang resort sa bayan ng Daet sa lalawigan ng Camarines Norte nitong Biyernes Santo.
Kinilala ang biktima na si alyas RIA, 38 taong gulang, at residente ng Purok 1, Brgy. Gahonon, Daet, Camarines Norte.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa Purok 1, Brgy. Camambugan, sa nasabing bayan nitong Abril 18, 2025 ngunit naireport lamang ito sa mga awtoridad kaninang umaga, Abril 19, 2025.
Batay naman sa isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas na ayon sa anak ng biktima, nagkaroon ng inuman ang kanyang ina kasama ang ilang kamag-anak at kapitbahay sa nasabing resort.
Pagkatapos ng kanilang kasiyahan at habang sila ay pauwi na, natuklasan nilang lumubog at nalunod na ang biktima sa swimming pool.
Agad naman sana itong isinugod sa Hospital para sa medikal na atensyon, ngunit sa kasamaang palad ay idineklara itong dead on arrival ng doktor.
Agad na nagsagawa ng ocular inspection ang mga IOCs sa lugar ng insidente at nakipag-ugnayan sa pamunuan ng nasabing resort.