NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Infanta, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Salvador Lorella, 38-anyos, residente ng Sitio Tigkay, Km 25, Brgy. Magsaysay sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na dumating ang mga hindi pa nakikilalang suspek sa bahay ng biktima at nagpakilala na magtratrabaho ng pag-grass cutting, kung saan hinahanap pa ng mga ito si Lorella.
Dahil dito, agad naman na lumabas ang biktima sa bahay nito at dito na pinagbabaril ng mga suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na dahil sa nasabing insidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad naman na dinala sa ospital, ngunit dineklara ring dead on arrival ng mga doktor.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad maging ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilalan ng suspek na agad naman na tumakas matapos ang nasabing krimen.