NAGA CITY- Patay ang isang lolo habang sugatan naman ang isa pa matapos magsalpukan ang isang motorsiklo at pick-up van sa bayan ng Tinambac, Camarines Sur.

Kinilala ang driver ng motorsiklo na si Ariel Belardo at ang angkas naman nito na si Lauriano Barnuevo, 61-anyos, residente sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj Dominic Borigas, Acting Chief of Police ng Tinambac Municipal Police Station, sinabi nito na habang binabaybay ng mga biktima ang pakurbadang bahagi sa Barangay Tamban nang aksidente itong nahagip ng isang pick-up van na minamaneho naman ng suspek na kinilalang si Jizzer Jim Gimarangan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas na nag-overtake ang sasakyan ng suspek dahilan para mag-slide at kainin nito ang kabilang linya.

Dito na rin nasalpukan ng pick-up van ang kasalubong na motorsiklo na sakay ang mga biktima.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan sina Belardo at Barnuevo na agad namang dinala sa ospital.

Ngunit sa kasamaang palad ay idineklara ring dead on arrival ng mga doktor si Barnuevo dahil sa matinding tinamong sugat nito.

Nabatid kasi na tanging ang driver ng motorsiklo na si Belardo ang may suot na helmet.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na agad namang sumuko matapos ang naturang insidente.