NAGA CITY – Patay ang isang motorcycle driver habang sugatan naman ang backrider nito matapos na bumangga ang minamanehong motosiklo sa isang konkretong electrical post sa Zone-2, Brgy. Bonifacio, San Fernando, Camarines Sur.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Aaron Mayor, 21-anyos, habang ang sugatan na backrider na si Joan Oropesa Murillo, 18-anyos, kapwa residente ng Zone-2 Brgy. Pamukid, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng mga biktima ang kahabaan ng kalsada papunta sa Poblacion, San Fernando nang aksidente itong makabangga sa isang konkretong electrical post.

Dahil dito, nagtamo ng seryosong mga sugat si Mayor na agad naman na dinala sa ospital ngunit idineklara rin na dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, nagtamo naman ng sugat si Murillo na kasalakuyang nagpapagaling sa ospital.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.