Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang puwersa ng pamahalaan ang sangkot sa naiulat na serye ng putukan sa Senado nitong Miyerkules ng gabi, Mayo 13.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng Pangulo na agad siyang nakipag-ugnayan kay DILG Sec. Jonvic Remulla upang puntahan ang lugar at alamin ang sitwasyon.
Dagdag pa ni Marcos, kinausap din niya si NBI Director Melvin Matibag upang tiyakin kung may tauhan ng National Bureau of Investigation na pumasok sa Senado, ngunit agad itong itinanggi ng ahensya.
Ayon sa Pangulo, tanging mga lehitimong security forces lamang ang nasa loob ng Senado kabilang ang Philippine National Police, Philippine Marines, at Office of the Senate Sergeant-at-Arms.
Mariin ding itinanggi ni Marcos na may inilabas na kautusan upang arestuhin si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sinabi rin ng Pangulo na kasalukuyang sinusuri ng mga awtoridad ang CCTV footage upang matukoy kung sino ang nasa likod ng kaguluhan.
Nanawagan naman si Marcos sa publiko na manatiling kalmado habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado at PNP kaugnay ng insidente.














