Inalis na ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang yellow alert status sa Luzon grid dakong alas-2:03 ng madaling araw ngayong Huwebes, Mayo 14, 2026.
Ayon sa NGCP, nasa 11,982 megawatts na ang available capacity habang 11,194 megawatts naman ang peak demand, na nagpapakitang sapat na ang suplay ng kuryente sa kasalukuyan.
Nauna rito, itinaas ang red at yellow alert sa Luzon grid noong Miyerkules ng hapon hanggang gabi dahil sa forced outages ng ilang power plants na nakaapekto sa reserbang kuryente.
Ipinaliwanag ng NGCP na inilalabas ang yellow alert kapag bumababa ang reserve power sa grid. Bagama’t sapat pa ang supply para matugunan ang kasalukuyang demand, hindi na ito umaabot sa kinakailangang safety margin.
Sa ganitong antas, tumataas ang posibilidad ng rotational power interruptions sa ilang lugar.














