NAGA CITY-Patay ang isang motorcycle driver habang sugatan naman ang backrider nito matapos sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa truck sa Barangay Taisan, Sipocot, Camarines Sur.
Kinilala ang driver na si Jayson Escanilla, residente ng naturang lalawigan habang ang angkas naman nitong lalaking pinsan na 17-anyos.
Ayon kay PCpl Jaymar Sierra, ang acting Police Community Relations ng Sipocot Municipal Police Station, nabatid na habang binabaybay ng nakamotor na si Escanilla ang daan papuntang Sipocot nang aksidente itong mawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing napasok ni Jayson ang kabilang linya at dito na ito nakasalpok sa kasalubong na truck at tuluyang pumailalim dito.
Dahil sa insidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang mga katawan ang driver at backrider na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal ngunit idineklarang dead on arrival si Jayson.
Samantala, dagdag pa ni Sierra maikokonsidera umano na na accident prone area ang pinangyarihan na lugar ng aksidente kung kaya paalala nito sa mga motorista ang ibayong ingat sa pagmamaneho.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng truck para sa kaukulang disposisyon.