Ipinataw ng Office of the Ombudsman ang anim na buwang preventive suspension kay acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca matapos nitong amining siya ang unang nagpaputok sa naganap na shooting incident sa Senado noong Mayo 13.

Sinuspinde ng Office of the Ombudsman si acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca ng anim na buwan kaugnay ng kanyang pagpapaputok ng baril na nauwi sa shooting incident sa Senado noong Mayo 13.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, hindi katanggap-tanggap ang naging aksyon ni Aplasca, lalo na’t kapwa law enforcement personnel ang kanyang pinaputukan.

“Siya po ang unang nagpaputok. Papaputukan mo, law enforcement? We do not tolerate that,” ani Remulla sa isang press conference.

Advertisement

Dagdag pa niya, kinakailangan umanong masusing imbestigahan ang insidente dahil mabigat ang naging epekto nito.

Nauna nang inamin ni Aplasca na siya ang unang nagpaputok ng warning shot laban sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na nasa GSIS building.

Ipinadala na rin umano ni Remulla ang suspension order sa Senado kahit hindi pa niya personal na nakakausap si Aplasca.

Binigyang-diin din ng Ombudsman na hindi maaaring balewalain ang naturang insidente dahil sa bigat ng sitwasyon.

Matatandaang ilang oras matapos ang putukan ay nakalabas pa rin ng Senado si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa kabila ng umiiral na warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y crimes against humanity sa war on drugs.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari sa likod ng insidente sa Senado.

Advertisement